Seremonya ng Pag-Aalay ng mga Bulaklak

My Flower Talk performance in Lope K. Santos Chapter during their Installation of Officers.

* Please ignore the yellow text if the delivery is for a group of petitioners.
Mga ginoo, sa araw na ito, kayo ay matagumpay na umani ng pahintulot upang maging karapat-dapat sa pagyakap ng kapita-pitagang pangalan ng isang nilalang na nagpamalas sa buong mundo ng kapuri-puring halimbawa ng kabayanihan. Taas noo, inyong masasabi kahit kanino man, “Ako ay isang DeMolay”. At yakapin ang karangalan na maging kabilang at kabahagi sa pagbibigkis sa mga batang kalalakihan na bumubuo sa isang dakilang kapatiran na nag-aalab saang mang panig ng daigdig, kung saan ang bawat isa sa mga kasapi ay sumasalamin sa katangian ni Jacques DeMolay. Na siya ring magbibigay sa aming mga kasaping naririto ng kahalintulad na pananalig na ang iyong/inyong totoo at bukal sa kaloobang pakikipagbigkis sa kapatiran ay siya ring magdadala sa iyo/inyo patungo sa landas ng pagiging isang mamamayang kapuri-puri at tiyak na maginoo. Ang mapabilang sa kapatirang DeMolay ay, o masasabi ninuman, at ng kahit sino mang kabataan na isang tunay na karangalang dakila at maipagmamalaki sa lahat.

Sa inyong pagtanggap sa parehong tungkulin na inatang sa aming mga unang naging kasapi, at sa panimula ng inyong pag-aalay ng interes upang maging ring kasapi, kayo ay hinubog at binigyang gabay ng liwanag ng pitong mga mabuting katangian ng ating dakilang kapatiran. Kami ay umaasa na ikaw/kayo ay lubos na napamangha sa bawat aral na sinasalamin at ipina-aalala ng bawat isa sa mga pitong katangiang ito. Wala ng mas hihigit pa sa layuning hubugin ang iyong pagkatao at mga inaasam sa hinaharap kundi ay ang marubdob na pagsasabuhay sa mga mabuting gabay na ito. Ang kapatirang DeMolay ay maraming katangi-tanging aral na tinuturan sa bawat kasapi, subalit ang mas higit at pinakamahalaga sa lahat ay ang pag dakila at pag-alay ng hindi masusukat na paggalang sa mga kababaihan, higit lalo sa kadakilaan ng mga ilaw ng tahanan - ang ating mga ina. Datapuwa’t nararapat lamang ang pagkakataong ito, na kayo ay muling magsitindig sa harap ng ating altar at muling kilalanin ang una sa binibigyang pagpupugay sa mga mabubuting katangian ng ating kapatiran na siya ring dumadakila sa mga hiyas sa korona na matatagpuan sa ating altar at siya ring simbolo ng mga kabataan - ang unang hiyas, na palagiang magpapaalala sa ating lahat ng busilak na pagmamahal sa ating pamilya.

At upang bigyang saysay ang aking pagganap ngayong (umaga/hapon/gabi), ang altar na ito ay lubos kong iniaalay sa ating mga butihing ina na kailanman ay hindi magmamaliw at lalamlam ang pagmamahal sa kanyang anak. Marahil, sa pag-usad ng panahon ikaw ay aani ng tagumpay at mabibigyan ng pagkakataong maging tanyag sa larangan ng pakikipagnegosyo, pulitikal at propesyonal, o ang pag-asam at pagsusog sa higit pa sa iyong mga kakayanan. Tagumpay kasunod ang isa pang tagumpay at patuloy na pag-angat sa buhay, subalit higit kailanman hinding-hindi mo maaarok ang lihim na pananalig ng iyong ina upang lubos mo pang malampasan o mahigitan ang kasalukuyang pagkakataon na iyong tinatamasa. Sa oras ng kadiliman ng iyong buhay, maaring ang iyong pagkatao ay masadlak sa masalimuot na sitwasyon ng pang aalipusta at panghahamak, subali’t kailanman ikaw at ang iyong buong pagkatao ay mananatiling ligtas at nasa ibabaw ng kanyang dalisay na pag-aaruga’t walang hanggang pag-unawa. Ang diwa ng mga bagay na ito na busilak at walang kahalintulad na pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak sa anumang kulay at panahon ng buhay ay totoong palagiang magbibigay galak sa iyong puso’t damdamin. Walang sinumang nilalang sa ating mundong ginagalawan na kahit tila ba’y nakasisiguro na sa kanyang narating na magandang buhay o maging ang isang taong niyapos na ng kadiliman at wari’y nasa kawalan na ng saysay ang kanyang pagkatao, sa kabila ng lahat, siguradong sa kaibuturan ng kanyang damdamin ay naroroon at nakahimlay ang sagradong alaala ng pag-aaruga at pagmamahal ng kanyang ina.

Kung saan kayong mga naririto, hayaan nyo akong iguhit sa inyong mga kamalayan ang imahe ng dalisay na halimbawa ng pagmamahal,

      Isang dakilang anghel
      Na may wangis at hubog na puno ng pagpapala mula sa kalangitan
      Na siyang anyo ng isang ina na niyapos
             ng matinding pagkahapo sa tungkulin ng pag-aaruga
      At siya ring larawan ng matinding pagsasakripisyo at magiliw na mukha.

(Suggested music cue before delivering the next paragraph: "Sa Ugoy Ng Duyan" by Aiza Seguerra or Iingatan Ka by Carol Banawa - first stanza only while flashing on the screen the petitioners / brothers' pictures with their moms when they were still kids)

Hindi ba’t ang iyong dakilang ina ang nag-alay sa iyo ng di matatawarang pagmamahal bago ka pa man isinilang sa mundong ibabaw – na siya ring iyong naging ligtas na kanlungan sa loob ng siyam na buwan at sa pag-inog ng panahon ay hiniling sa Dakilang Maykapal ang patnubay at alalay sa oras ng pakikipagbuno sa mapanganib na sitwasyon ng pagluluwal, upang sa huli ikaw ay mabigyang buhay. Siya ang natatanging nag aruga sa iyo sa mga panahon na ikaw ay bihag pa ng kawalan ng muwang bilang isang sanggol at sadlak sa sitwasyon na salat sa lahat, dala ng iyong kamusmusan. At habang ikaw ay sumisibol sa mundong ibabaw at unti-unting matutunang tumayo sa sariling mga paa, kanyang inialay sa iyong kamalayan ang hindi mabilang, busilak, mapag-aruga, mapagkanlong at magiliw na mga bagay na tanging ina lamang ang makapag-aalay sa kanyang pinakamamahal na anak. Marahil nakaukit na sa iyong pagkatao ang mga bagay na ito o madalas ang mga alaala ay sinadya na magkanlong na lamang at humimlay sa iyong isipan at malayo sa kaganapan ng madalas na pagpapasalamat o kusang loob na pagpapakita ng pagtanaw ng utang na loob.

Ikaw ngayon ay mabilis na binabaybay ang panahon sa iyong buhay kung saan ay karaniwang malayo sa patnubay ng iyong mahal na ina. Marahil sa kasagsagan nito ang inyong ugnayan bilang ikaw na anak at siya na iyong magulang ay panandalian at paminsan-minsang magmamaliw, subalit ang kanyang dalisay na pagmamahal higit kailanman, higit kanino man ay hindi lalamlam.

      “Mula sa aking katawan, ikaw ay hinubog mahal kong anak,
      Subali’t ang pagluluwal ay sadyang isang napakabilis na kaganapan,
      Kumpara sa panahon ng isa’t dalawangpung taon,
      Nang pag-alay sa iyo ng mga luha’t dasal.
      Malayo man sa aking kayang gawin ang likhain ang hubog ng iyong isip at kaluluwa,
      Subalit sa aking mga mapag-arugang mga kamay
              ay nanatiling buo ang iyong pagkatao.
      Ang noo’y mga kamay mong mga nangangapa sa di kasiguruhan
      Ay siyang nagbigay saysay sa aking pakikibaka sa buhay.
      Pagkakataon kung saan ang bawat araw na aking tinahak
              ay tila ba naging taimtim na mga dasal,
      At mula roon, ang saysay ng aking buhay ay nakalikha ng hagdan
              patungo sa ating Panginoon.

      Sa iyong kabataan at noo’y paghakbang na sumasalu-salungat,
      Dalangin ko’y sa hinaharap, tagumpay ang iyong kahahantungan.
      Nawa’y huwag kang patawan ng matinding paghihirap at pagdurusa,
      Na siyang siguradong magbibigay dagok sa aking damdaming ina.
      Nawa’y hindi ka masadlak sa matinding pang aalipusta at kahihiyan,
      Na siyang maaring magpahina at sumubok sa katatagan ng aking dangal.
      At nawa’y hindi ka masadlak sa kasamaan,
      Na siyang magtuturok sa aking pagkatao ng lason at mga hinagpis.
      Dahil sa lahat-lahat na aking inialay sa iyo bilang iyong ina,
      Alalahanin mo sana ang mga ito, oh aking anak.
      Nawa’y panatilihin mo ang iyong maayos na pisikal na anyo,
      Ang aking buong pagkatao ay siyang isinasalamin nito.
      Para sa akin mahal kong anak,
      iyong iwasan ang pagiging sanhi ng luha at hinagpis sa mga kababaihan,
      Para sa akin mahal kong anak,
      iyong palagiang gawin ang pagdakila sa lahat ng mga kababaihan,
      At nawa’y hindi mo kahantungan ang pagiging mapanakit,
      Dahil alalahanin mo ang mga minuto’t sandali ng paghihirap ko
             sa gabing yaon ng pagluwal at pag-bibigay buhay
             sa iyo, oh aking mahal na anak.”

Ang mga rosas/bulaklak na inyong namamalas sa ating altar ay simbolo ng dakilang pagmamahal ng isang ina - ang puti, alaala ng pagmamahal ng isang ina na namayapa't tumawid na sa kabilang panig ng dalampasigan ng buhay – ang pula, pagmamahal ng isang ina na kasalukuyan at patuloy na nagbibigay pagmamahal at paggabay.

      Malayo mula sa diwa ng pagsuko ng kanyang damdamin at pag-aasam,
      At habang ang lahat ay nakasukob sa katahimikan at kapayapaan,
      Sa kanyang puso ay may nalikhang munting bahay sambahan.
      At ang kanyang diwa, roo’y nakaluhod at taimtim na nagdarasal.
      At mula sa kalangitan, isang sinag ng liwanag
      Ang sa kanya’y kuminang.
      Ang kanyang puso’y may halimuyak ng mga bulaklak,
              habang taimtim sa pananalangin.
      Maalab tulad ng ningning ng liwanag na likha ng isang kandila,
      ang bawat panalangin ay tila ba niyayapos ng mga pakpak
      Upang dakilain ang daigdig kung saan ang kanyang buhay ay nagkaroon ng saysay,
      At roo'y iwanan ang kanyang iniambag at di mapaparang liwanag.

Mga kapatid, inyong tahakin ang ating altar at kumuha ng bulaklak. Kung ang iyong ina ay namayapa na, iyong pipiliin ang dalisay na kulay puti at yayapusin ito kasama ng kanyang sagradong alaala na nakahimlay sa iyong diwa. Nawa’y ang kulay na ito ay palagiang magbigay alaala ng kanyang pag-aaruga at patuloy na magbigay lakas sa iyo upang tahakin ang mabuting landas na para sa iyo'y kanyang minsang pinangarap. Kung ang iyong ina ay patuloy at masiglang nagbibigay gabay sa iyo ngayon, iyong pipiliin ang matingkad na kulay pula. Sa inyong pagbalik ng tahanan matapos ang pagtitipong ito, buong puso mo itong ibigay sa iyong mahal na inay, nanay, mama, o ina. At sa kanya’y iyong sabihin na isa ito sa mga bagay na nararapat lamang ialay sa pinaka-dakilang handog ng Poong Maykapal sa isang nilalang - at iyon ay ang walang kahalintulad na pagmamahal ng isang ina. Buong puso mo siyang yakapin at sabihing “Aking ina, marahil aking natutunan ngayong araw ang isa sa mga dakilang aral ng buhay. Ang kaninang pagtitipon ay muling nagbigay at nagbukas-isip sa akin upang makita ang iyong walang kapantay na kahalagan. Aking ipamamalas sa iyo, sa araw-araw na darating ang pagsisikap na iyong maramdaman kung gaano ka kadakila kasama ng iyong mga pakikibaka sa buhay para sa akin na iyong anak at sa ating buong pamilya.

Balang araw aking mga kapatid, ay maaring inyong muling masilayan ang bulaklak na mamaya'y inyong iaalay, kung saan man ay tiyak hindi ko mawawari’t malalaman, marahil sa bibliya o iba pang aklat ng pananalangin ng inyong mahal na ina, isang tahimik subali’t matibay na pagpapatunay ng kanyang pagyakap sa aral na alay ng pagtitipong ito, na higit kanino man, sa kanyang diwa, ikaw na kanyang anak ay napakadakila at bukod tangi sa ibang mga kalalakihan.


Mga kapatid, mangyaring ang bawat isa sa inyo ay kumuha ng pula o puting bulaklak sa ating altar.

(Pagtatapos ng talumpati at pag-aalay ng bulaklak)

Panghuling pahayag matapos ang pag-aalay ng bulaklak sa mga ina:

Ang kapatirang DeMolay, na siyang nagbibigkis at patuloy na magbibigkis sa hinaharap sa ating mga naririto ngayon ay wala ng mahihiling pa, bagkus ang bawat isa sa inyo ay palagiang mahanap ang katuturan ng inyong buhay at pagkatao at patuloy na maging karapat-dapat sa busilak na pagmamahal ng isang ina.     


Wakas.

Optional (Closing Ad Lib)

Mga kapatid, ang ating unang halik at yakap, ang ating unang bayani, ang ating unang kaibigan at siyang dahilan ng lahat ng unang magagandang nangyari sa ating buhay... ang pinakamagandang nangyari sa ating buhay – ang ating mahal na ina. (Pagtayo at pagpalakpak sa mga inang dumalo)




Ang lathalain at pagsasaling wikang ito ng DeMolay Flower Talk ay higit sa lahat kinikilala ang kapangyarihan at pakikipagbigkis sa Pambansang Konseho ng Kapatirang DeMolay ng Republika ng Pilipinas, kung saan ang tagapagtatag ng pandaigdigang kapatiran ay si Frank S. Land.



Translation Date: February 17, 2009
Naga City, Camarines Sur


Emerson H. Gonowon PMC, Chev
Mt. Asog Chapter, Order of DeMolay

Current Status:
IT Head / ICT Professor
Writer / Blogger
La Salle Antipolo
Antipolo City, Rizal
Philippines
eumeirx.gonowon@lsca.edu.ph


Postscript:
Being so fascinated and so dedicated to perform the Flower Talk Ceremonies during my active days, it was during the National Schools Press Conference  on February 17, 2009 in Naga City while I was waiting outside the contest room of my pupil contestant who was then competing for the news writing event, that in order for me to overcome my uneasiness and nervousness I decided to translate the beautiful and meaningful content of the DeMolay Flower Talk in a four-page bond paper. (Talking about the mentioned contest, later that day my pupil was hailed the national champion out of the 60 participants.)

One of my fave FT prize

Reciting this ceremony was so sacred to me, I can still remember in one installation of my mother chapter, after delivering the piece, the then Grand Master Herrera gave me a souvenir Scottish Rite watch after performing the ceremony. I also competed in the Flower Talk competition during the 2002 Conclave in Olongapo City. My two most memorable performance was during the institution of Mt. Mayon Chapter in Legazpi City and an installation Ceremony of Lope K. Santos Chapter in Taytay Rizal where both was attended by a lot of mothers who in the end found theirselves weeping for joy and gladness upon hearing the content of the ceremony.
My most treasured fraternity memorabilia is the DeMolay watch I earned when I was hailed as the winner during the 2003 Flower Talk competition in Bicolandia DeMolay.

As an Installing Officer

My leadership skills and love for democracy, great respect for the existence of public school and my vows and oath as a Chevalier and all the good things that happened in my life, DeMolay will always have and has a trail of contribution to it... Forever I will be grateful!

Dios Mabalos Po!






Comments